Si Wonder Woman

wonder

Nagkaroon ako ng pagkakataong panoorin ang pelikulang Wonder Woman (2017, DC Films/Warner Bros. Pictures), na idinerehe ni Patricia Lea “Patty” Jenkins, nitong mga nakaraang linggo sa SM City Manila. Minabuti ko pang panoorin ito ng dalawang beses upang masuri ito ng masinsinan dahil magugulo ang mga kaibigan kong milenyal sa sinehan nang una ko itong mapanood. Sa ikalawang pagkakataon kung saan ako napagisa sa isang sulok ng sinehan, bigla akong napaisip: Ano ba ang sinisimbulo ni Wonder Woman para sa mga kabataan at kababaihan ng henerasyong milenyal? Kami na namulat noong mga dekada ‘90 at 2000 pataas, na nakilala ang babeng superhero bilang sidekick/kasintahan nina Superman at Batman sa mga komiks at cartoons mula Estados Unidos.

Muling gumanap si Gal Gadot-Varsano (Miss Israel Universe 2004), na nakilala na ng publiko sa Batman vs Superman: Dawn of Justice (2016), bilang Wonder Woman o Diana Prince. Tampok din dito ang mga kilalang aktor at aktres na sina Chris Pine (bilang Steve Trevor), Connie Nielsen (bilang Reyna Hippolyta), Robin Wright (bilang Antiope), Danny Huston (bilang Ludendorff), David Thewlis (bilang Sir Patrick) at iba pa. Nakakaaliw ang cast ng pelikula dahil ang mga gumanap ay nagmula pa ng iba’t ibang panig ng mundo. Kapansin-pansin talaga ang punto sa pananalita ng pangunahing aktres na Hebreo ang pangunahing wika. Isa itong hudyat na unti-unting nabubuwag ang maka-Amerikanong sentrismo ng industriyang pampelikula ng Hollywood nang dahil sa internasyunalisasyon at pagbubukas-isip ng mga tao bilang mga “global citizens” ngayon.

Ang tagpo ng pelikula ay nakabase sa Kanlurang Europa hango sa mga alaala ni Diana Prince bago pa siya naging ganap na Wonder Woman sa mata ng publiko. Ang mga ganap ay kaniyang personal na salaysay mula pa noong panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig kung saan himalang napadpad ang isang pilotong Amerikano (Steve Trevor) sa mundo ng mga amazonas, isang tribo ng mga kababaihan na naninirahan sa tagong isla ng Themyscira. Nang mailigtas ang piloto ni Diana, prinsesa ng mga amazonas, mula sa prosekusyon ng mga sundalong Aleman, dito napagalaman ng tribo na isa pala siyang espiya ng Britanya na may kaalaman tungkol sa isang sikretong pakana ng Alemanya sa isang laboratoryo sa Imperyong Ottoman na kung hindi masusugpuan ay magdudulot ng pagkasawi ng milyun-milyong inosenteng buhay at pagkasira ng kalikasan. Abot agad sa pagiisip ni Diana na ang Diyos ng Digmaang si Ares ang nasa likod ng lahat at nagpasiyang sumabak sa digmaan kasama si Trevor.

Naging simple man ang istorya at medyo typikal para sa isang pelikulang pang-superhero sa aking panlasa, namangha naman ako sa mga pickup lines nito mula sa mga diyalogo ng pangunahing karakter tungkol sa pag-ibig at sangkatauhan na naging viral sa social media katulad ng “Deserve doesn’t matter. What matters is what you believe in…and I believe in love!” o “They are everything you say…but so much more.” Tawagin man nating corny o cliché ang mga linyang ito, naging patok pa rin sa kababawan ng mga milenyal dahil sa mga makabuluhang mensahe nito.

Simple rin ang sinematograpiya at musika ng pelikula ngunit angkop naman sa tema nito dahil nasa kalagitnaan ng gera ang mga kaganapan. Sa totoo lang, hindi ako mahilig sa mga choreographed stunts o special effects na pinaganda sa kompyuter. Hindi rin naging mataas ang aking ekspektasyon dito dahil alam kong patikim o prequel pa lamang ito ng marami pang susunod na mga pelikula. Performance level ang pagganap ni Gal Gadot sa karekter niya. Bihira rin lang kasi tayo nakakapanood ng pelikulang pang-superhero mula sa perspektibo ng isang babae tungkol sa kapayapaan, pag-ibig at sangkatauhan. Natutuwa ako dahil si Wonder Woman ay lubos na tinanggap ng henerasyong milenyal. Kudos kay Direk Patty Jenkins!