Sa Aking Ika-10 Taon bilang Agustinong Manunulat

“What are kingdoms without justice? They’re just gangs of bandits.”

– St. Augustine of Hippo, City of God (Book IV, Ch. IV, pub. 246)

Ang walang sawang pagtutuklas ng katotohanan at hustisya. Ang pagtalakay sa ating imperpektong pagkatao laban sa mga tukso ng lipunan. Ito ang mga pangunahing katangian ng isang Agustinong manunulat. Ito ang katotohanang natuklasan ko para sa aking sarili matapos ang sampung taon noong una akong maging miyembro ng publikasyong pang-estudyante noong 2006.

Kamakailan ay nakipagkita kami ni Sir John, ang dati kong moderator at mentor sa pagsusulat, dito sa Maynila upang pagusapan ang mga kaganapan sa aming buhay nitong mga nakalipas na taon. Napagusapan din namin ang iilang mga USA Publications alumni na nalalapit sa amin at mga kasalukuyang kaganapan sa bansa. Mataimtim akong nakikinig sa mga kuwento niya tungkol sa una niyang biyahe sa Europa habang pinapatugtog ang kantang When We Were Young ni Adelle. Dito ko lang namalayan na mahigit isang dekada na pala kaming magkakilala. Kay bilis naman ng panahon at parang hindi ko ito namalayan. Sampung taon na pala ang nakalilipas nang una akong maging Agustino at hanggang ngayon, ang katarungan at paghahanap sa katotohanan pa rin ang hilig naming pagusapan.

pub

Bigla tuloy akong napaisip kung paano ba nahuhubog ang isang Agustinong manunulat? Ang Pamantasan ng San Agustin na lumikha ng libu-libong mga Agustinong abogado, politiko, doktor, manunulat at guro sa isla sa ng Panay mahigit isang siglo na ang nakalilipas. Paano ba natin naisasabuhay ang pagiging Agustino? Masyado naman yata akong ambisyoso kung sasabihin kong may ideyolohiyang sinusundan ang lahat ng nagiging miyembro ng publikasyong pang-estudyante base sa City of God at Confessions ni San Agustin. Ngunit hindi talaga sapat ang apat na taong pagdarasal ng “St. Augustine, pray for us…” sa klase araw-araw at taunang pagdadalo ng red mass upang magbigay-pugay sa santong patron.

Paano ba natin maisasalarawan ang sarili sa katauhan ng dakilang pilosopo at manunulat? Si San Agustin, ang alagad ng sining na hinahangaan din ng mga hindi Kristyano at atheist hanggang sa kasalukuyan. Kung tutuosin, ang ating mahal na patron ay isa ding hamak na probinsyano kagaya natin na nagmula sa isang liblib na rehiyon o “periphery” ng Imperyong Romano sa Numidia (hilagang Aprika) na malayo mula sa “core” o sentro nito. Kung modernong heograpiya lang ang ating pagbabatayan, si San Agustin ay namuhay sa kasalukuyang pungsod Algerya at hindi sa Italya. Kagaya ng nakararami sa atin, matagal din siyang nagrebelde sa sarili bago niya nahanap ang sariling misyon sa buhay at ang katotohanang nais niyang itaguyod para sa sangkatauhan. Hamakin niyo ba naman, inabutan pa ng labingpitong taon ang ina niyang si Santa Monika bago siya nakumbinsing maging Kristyano!?

At hindi lamang basta-bastang katotohanan ang inatupag niyang hanapin. Dahil ang mga pinakamahalagang dekada ng kaniyang buhay ang inialay niya sa pagsusulat upang hanapin ang katotohanang ito. Minabuti niyang bigyan ng kahulugan ang isang mapagpalayang katotohanan tungo sa ganap na hustisya para sa kaayusan ng isang ideyal na lipunang Kristyano. Katotohanan laban sa kamangmangan at katiwalian. At dahil sa mga kasulatang kaniyang naitatag, nailigtas niya ang antigong tradisyon ng Simbahang Katolika mula sa tuluyang pagkakabaon sa limot matapos maglaho ang Imperyo ng Roma. Ginamit niya ang kaniyang angking talento sa pagsusulat at pananaliksik para sa kabutihan at kapakanan ng marami. At walang iba kundi tayong mga Agustino ang naging produkto ng kaniyang mayamang kaisipan at paninindigan sa mahigit isang milenyang pagpapakalat nito sa buong daigdig. Tayo ang kaniyang mga tagapagmana na magpapatuloy ng kaniyang pilosopiya sa pagtatatag ng isang marangal at makatarungang lipunan sa ating mga komunidad, sa pungsod Filipinas, Asya o sa kahit saang panig ng mundo man tayo mapadpad balang araw.

Bakit ba ako nagsusulat at anong mensahe ang nais kong ipaabot? Nang tanungin ako noon ni Sir Eric Divinagracia, na isa ring USA Pub alumnus, kung bakit ako kumuha ng kursong Political Science, sinabi kong gusto ko makapagsulat tungkol sa gobyerno at lipunan dahil hindi ko nagugustohan ang mga nakikita ko. Nais kong magsulat tungkol sa mga maling bagay na dapat ituwid ng mga taong namamalakad sa bansa tulad ng korapsyon at pagsasawalang bahala sa mga pangangailangan ng taumbayan. Kahit kalian kasi, ikinagagalit ko talaga ang anumang uri ng pangaapi at katiwalian. Sa pagsusulat ko lang naipapahayag ang aking saloobin tungkol sa mga ganitong isyu. Hindi niya ito ikinagulat at sinabing tama ang kurso kong pinasukan kaakibat sa aking pagiging miyembro ng USA Publications na may malaking interes sa mga penomenang politikal ng Filipinas. Napapapanahon nga naman ang mga usaping pang-hustisya at katotohanan sa isang lipunang kagaya natin kung saan madalas inaabuso at pinagaawayan ang kahulugan ng dalawang konseptong ito. Napapanahon dahil ang pinasukan kong institusyon ay nagaalok isang Agustinong edukasyon na maaaring makapagbigay-ilaw tungo sa makatarungang kaayusan ng lipunan na hinahanap ko.

Masasabi kong ring mapalad talaga ako dahil naging miyembro ako ng publikasyong pang-estudyante noong kapanahunan nina Sir John at Sir Erwin bilang mga tagapagpayo, ang unang dalwang taon kay Sir John at ang huling dalawang taon naman kay Sir Erwin. Malaki ang aking utang na loob sa kanila. Kung hindi dahil sa kanila, hindi siguro ako nahikayat magsulat sa pambansang wika at tangkilikin ang panitikan ng Kanlurang Bisayas sa mga wikang Hiligaynon at Kinaray-a kahit hindi pa ito ang mga wikang kinagisnan ko. Bahagi kasi ang pamilya ko ng diasporang Panayanon kung kaya lumaki akong dalubhasa sa mga wikang banyaga kagaya ng Griyego, Aleman at Ingles. Baka tuluyan na akong naging ingliserong manunulat ngayon at nagkaroon ng maka-Kanlurang pananaw sa pagiisip kung hindi dahil sa kanila. Bukod sa larangan ng pamamahayag, parehas silang mga premyadong manunulat na tinitingala dahil sa kanilang pagsulong sa literatura ng Panay at sa intelektwalisasyon ng wikang Filipino bilang wika ng karunungan. Sa kanila ko rin natutunan ang mga nakasisirang epekto pang-linggwistikong imperyalismo sa sistema ng edukasyon sa isang bansa. Karamihan ng mga estudyante sa ating mga paaralan ay hindi bi-linggwal ang pagkadalubhasa sa dalawang opisyal na wika o kung minsan pa nga’y hindi dalubhasa sa kahit anong opisyal o katutubong wika. Ito ang isang hindi maka-hustisyang katotohanan sa ating bansa na dapat bigyan ng tamang pansin.

Malaki ang naipabahagi ng karanasang Agustino sa aking paghubog bilang manunulat. Kabilang na dito kaugaliang pagpapakumbaba upang maiwasang lamunin ng mga tukso tulad ng yabang, inggit, materyalismo at panghuhusga sa kapwa tao. Natutunan ko ding pahalagahan ang samahan sa isang komunidad, ang pagpapahalaga ng mga taong mahal ko at mga indibidwal na naging gabay sa aking usbong bilang tao. Kaya hindi na ako nagtataka kung bakit maraming mga USA Pub alumni at Agustinong guro ang hanggang ngayo’y nanatiling malapit pa rin sa akin. Sa tingin ko, habang buhay na talaga silang magiging bahagi ng buhay ko. Ang pagiging Agustino kasi ay dapat nating isabuhay para sa ikauunlad ng ating komunidad at higit sa lahat, sa pagpapayaman ng sarili nating kaluluwa. Si San Agustin na isang dakilang tagapagtanggol ng katarungan at pag-ibig. Nakita ko ang mga katangiang ito kay Sir John noon. Kahit kalian ay hindi siya naging madamot sa kaalaman at pagbibigay payo sa mga estudyante niya. Para sa kaniya, mas mahalaga ang pagiging ahente ng pagbabago kaysa sa manghakot ng mga parangal mula sa mga kompetisyon. Natatandaan ko pa noong bago akong pasok sa USA Pub, siniguro niyang papuntahin sa Iloilo ang naging mentor niyang si Ma’am Yasmin Arquiza upang magbigay ng in-house journalism workshop sa amin. Sinabi pa niyang “She was my mentor. She is very meticulous but you will learn a lot from her.” Tandang tanda ko pa ang naguumapaw na Pinoy-style spaghetti at isang napakalaking kulay rosas na keyk ang ipinahanda niya para sa amin. Ito ang pinakauna kong workshop sa pamamahayag na sinundan ng napakarami pa mula sa iba pang mga tanyag na peryodista sa bansa. Sa larangan ng panitikan, dinala niya sa pamantasan ang maraming nangungunang kontemporaryong manunulat sa bansa sa pagoorganisa ng mga pambansang kumperensiya at literary workshop. Masasabi kong naging buo ang pagkahubog sa akin ng USA Pub bilang isang manunulat.

Matapos ang ilang taong pagkawala ko sa isla ng Panay, naliwanagan ako sa tatlong bagay: Una, hindi hadlang ang pagiging probinsyano upang makamit ng ating mga pangarap sa buhay. Isang halimbawa na dito si San Agustin ng Hippo. Pangalawa, maraming mga demonyong umaaligid sa ating lipunan, mga aswang at halimaw na mahilig magmalinis at mangbuno ng patalikod. Ngunit wala naman talagang taong perpekto at lahat ng indibidwal ay maaaring magbago. At pangatlo, ang pagtanggol ng katarungan laban sa kasamaan ay dapat laging itaguyod dahil maraming mga pagsubok at elemento na magtatangkang ipagkait ito sa atin. Tulad ng palaging sinasabi ni Sir John, kailangan nating gamitin ang yaman ng ating mapanuri at malikhaing pagiisip para sa ikabubuti ng lipunan. Malaki ang naiambag ng tradisyong Agustino sa pandaigdigang pilosopiya at literatura. Hindi na natin kailangang tumingin o maghanap ng ibang inspirasyon kung saan-saan pa. Dahil isang napakalaking kayamanan ang ipinabaon sa atin ng mga Agustinong pari, prayle at guro nang tayo’y magtapos ng ating mga kurso noon. Matutuklasan lamang natin ang kayamanang ito kung susuriin natin ng maigi ang ating sarili.

Sa aking ika-10 taon bilang Agustinong manunulat, wala akong ibang handom kundi ang maisabuhay at tulungang mapalaganap ang mayamang tradisyon na matagal nang isinusulong ng konggregasyong Agustino sa ating arkipelago. Na sana sa susunod na mga tinuig, maraming mga batang manunulat ang tumangkilik sa pilosopiya ni San Agustin. Napatunayan ko sa aking sarili na hindi ako magsasawang magsulat para sa hustisya at katotohanan. Kailangan nating ipaglaban ang ating dangal bilang tao at mga malayang mamamayan. Dahil kahit kalian, hindi naging maling ipaglaban ang katarungan at pag-ibig.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s