Si Harley Quinn bilang Simbulo ng Babaeng Baliw sa Pag-ibig

Makikilala natin si Harley Quinn bilang isa sa mga nangungunang konrabida or supervillain sa Amerikanong serye ng komiks na Batman ng DC Comics noong 1992 na muling naging Pop Icon kamakailan dahil sa kakaibang pagdadamit at mga makabulohang pick-up lines nito sa pelikulang Suicide Squad (2016) na iginanap ng Australyanang aktres na si Robbie Margot. Siya ang pangunahing kasabwat na kasintahan ng mas kilalang supervillain na si Joker, isang simbulo ng pagmamaliit sa sistema ng hustisya sa kulturang popular ng Kanluran, partikular na sa Estados Unidos. Ang katangi-tangi sa karakter ni Harley Quinn ay ang pinanggalingan nitong antas bilang tipikal na All-American Girl – maganda, edukada, propesyunal, seksi, may kaya at nagmula sa isang mabuting pamilya – na kumabilang bakod sa hustisya at mas pinili ang mamuhay bilang kriminal matapos mabaliw sa pag-ibig kay Joker.

harley

Isa nga ba siyang biktima ng pagbe-brainwash na ginamit lamang mga sindikato bilang kasabwat? O isa ba siyang babaeng may komplikadong paninindigan na ipinaglalaban? Sa muling pagbabalik ni Harley Quinn bilang isang Pop Icon ng mga kababaihan ng kasalukuyan, mahalagang talakayin sa diskursong feminismo ang pagkategorya sa kaniya bilang isang babaeng nabaliw, lumaban at nawalan ng boses nang dahil sa pag-ibig, at kung paano natin ito maiuugnay sa kulturang popular at konemporaryong lipunan ngayon.

Kung ating susuriin, Si Harleen Frances Quinzel, M.D. ay isang psychiatrist na dating nagtatrabaho sa Elizabeth Arkham Asylum for the Criminally Insane kung saan naging pasiyente niya si Joker, ang pinakagwardyadong kriminal ng nasabing pasilidad. Ngunit dahil isang intelihenteng psychopath nga itong si Joker, nagawa pa nitong utakan ang sariling doktor na nahulog ang loob sa kanya at nakumbinseng magpalaya sa kaniya. Nang dahil sa pag-ibig, mas pinili pa niyang iwanan ang kaniyang propesyon bilang doktora at makiisa sa mga sindikato na namumuhay sa maruming mundo ng mga ilegal na aktibidades sa Gotham City. Magmula noon, nadawit na din siya sa listahan ng mga awtoridad sa pagkakasangkot niya sa mga kriminal na gawain tulad ng terorismo, pagnanakaw ng pera sa mga bangko, torture at homicide.

Matapos ang pagpapatakas kay Joker, tuluyan na siyang ginawang kauri ng kriminal na clown sa pamamagitan ng pagbibigay ng electric shock sa kanyang utak at paghuhulog sa kaniya sa isang drum sa isang pabrika na puno ng mga kemikalya na nagpa-bleach sa balat nito. Halatang umiba rin ang kaniyang estilo ng pananamit mula sa pagiging disente sa pagiging kaakit-akit para sa mga kalalakihan na may temang clown. Sabik na sabik siya kay Joker na kahit palagi siyang minamaltrato at pinagtatabuyan. Kahit makailang ulit pa siyang sinasaktan, kaagad-agad pa rin siyang bumabalik sa mapangapi clown upang ialay ang kaniyang sarili sa ngalan ng pag-ibig. Mahal niya ito at handang ibigay ang kaniyang buhay kahit alam pa niyang ginagamit lamang siya bilang sandata laban sa mga mortal na kaaway nitong sina Batman at Robin. Ano pa ba ang maitatawag dito kung hindi kabaliwan sa pag-ibig? Saan nga ba napunta ang konsensiya nitong si Doktora Quinzel na isang tanyag at matalinong manggagamot sa pagiisip? Paano siya nagawang utakan ng sarili niyang pasyente?

Sapagkat isa siyang babaeng Caucasian na kulay asul ang mata na may gintong buhok, isinasalarawan siya bilang isang dumb blonde na hindi gumamit ng tamang konsensiya at nagpakatanga sa kaniyang nararamdaman sa isang kriminal. Mababa ang pagtingin ng mga ganitong indibidwal o male chauvinist pigs kung tawagin sa mga ganitong uri ng kababaihan sa mga pang-Kanlurang lipunan. Ito din ang pisikal na anyong madalas na itinuturing ideyal ng kagandahan sa mga puting babae. Isang halimbawa na dito ang pagpapakulay ng buhok nina Madonna, Christina Aguilera at Lady Gaga at pagdadamit sekswal upang mapalago ang kanilang karera sa musika. O ang pagsikat sa Hollywood nina Marilyn Monroe o Marlene Dietrich noon. Hanggang sa kasalukuyan, ginagawawa pa ring katatawanan ang ganitong imahe ng mga babae sa Kanluran kagaya na lamang ng pagsasalawaran nito sa mga pelikulang White Chicks (2004) at Mean Girls (2004). Nagmimistula silang mga obyetko ng kaaliwan para sa mga masang lalake dahil ito ang dikta ng merkado. Hindi nagkakaiba dito ang trend sa ating industriya sa showbusiness at marami din akong maaaring ibanggit na mga quotes mula sa mga pelikula natin kung saan madalas hamunin ng mga kababaihan ang umiiral na patriyarka upang kilalanin ang kanilang mga karapatan at hinanakit kung gugustohin ko.

Nakakalungkot mang isipin pero kakaunti lang ang nagbago sa kulturang popular nitong mga nakaraang dekada sa kabila ng matagumpay na pandaigdigang kilusan ng mga kababaihan at mga grupong patuloy na lumalaban para sa gender equality rights. Nakakalungkot dahil tampok pa rin ang kinaugaliang slut-shaming at pagmamaliit sa mga babaeng tumatayo para sa sariling nilang prinsipyo pati na sa larangan ng politika. Tampok pa rin sa social media ang mga nakakabahalang eksena kung saan ang mga babaeng kritiko sa gobyerno o sa isang polisiyang ipinaglalaban nila ay pinagtatangkaang gahasain kung hindi man binabastos ang kanilang pagiging babae. Ang mga nangungunang babaeng personalidad sa larangan ng politika kagaya nina Michelle Obama, Hillary Clinton, Angela Merkel, Julia Gillard, Leni Robredo o Leila de Lima ay madalas ginagawang katawa-tawa ng mga kalalakihang trolls at iniuugnay pa ang pagiging babae nila sa mga isyung politikal na kadalasan ay wala naman talagang kaugnayan sa mga ipinaparatang nila. Ipinaglalapastangan lamang sa mass media ang pagiging babae nila. At ang mas nakakabahala pa dito, madalas walang umaalma o pinapabayaan na lang ng karamihan ang ganitong pagtrato o pagtingin sa mga babae at nagagawa pa ng ibang maki-ride on pa sa karumal-dumal na gawaing ito.

Itong lack of public outrage ay madalas ring nagiging dahilan kung bakit patuloy na nananaig ang ganitong kultura at pananalita sa mga kababaihan. Kasama na dito dito ang pagtawag kay dating US First Lady Michelle Obama na “an ape with heels in the White House” mula sa isang kapwa niya babae na politiko rin at ang mga kumakalat na isyu kay Bise Presidente Leni Robredo na dalawang beses ito ikinasal, nabuntis ito pagkatapos ng halalan at may itinatagong boypren na politiko – mga paratang wala naming kinalaman sa mga isyung political na ibinabato sa kaniya. O ang pagsisiwalat sa pribadong buhay pag-ibig ni Leila de Lima sa dati nitong driver na iniuugnay sa pagkakasangkot niya sa korupsyon at pagpapalaganap ng droga sa loong ng New Bilibid Prisons. Mismong mga miyembro ng ating Kongreso na dapat ay nagsisilbing haligi na tagapagtanggol ng mga karapatang pambabae sa bansa ay pinagpiestahan pa ang pribadong buhay pag-ibig ng dalawa mula sa pagsipin sa iisang kuwarto at mga personal na mga aktibidades nila. Kung totoo mang sangkot si Gng. De Lima sa pagusbong ng iligal na droga sa loob ng Bilibid, dapat nga naman talaga siyang ikulong. Puwede namang gawin ang imbestigasyon na hindi iniinsulto ang kaniyang pagiging babae o pagsisiwalat ng personal niyang buhay lalo na kung wala naman itong kinalaman sa mga alegasyon sa kaniya. Maituturi ba nating isang krimen ang mapa-ibig sa isang hamak na driver? Kung adultery man ang kasong puwedeng isampa laban sa kaniya, hindi ba’t isa itong isyung sibil at ang tanging ligal na asawa lamang ni Ronnie Dayan ang puwedeng magsampa ng kaso laban sa senadora. Ang mas masaklap pa dito, kay daming mga umupo sa committee noong mga araw ng hearing na kabit din o querida. Ganito na ba talaga kahipokrito ang lipunan natin ngayon?

Sa mga kaganapang ito, napaisip rin ako sa mga pananalita at asta ng mga lalake sa social media na mahilig magpiesta sa mga kababaihang may pangalan sa kulturang popular at politika: Hindi ba nila naiisip ang sarili nilang mga mga babaeng mahal sa buhay? Matutuwa rin ba sila kung babastusin din ng ganiyan ang sarili nilang mga asawa, anak, kapatid, tiyahin, pinsan o ina? Napaisip din tuloy ako sa phenomenal na pagsikat ni Bb. Mocha Uson sa kulturang popular ngayon matapos ng nakaraang halalan. Sa unang pagkakataon, ang sexy model, aktres at stage performer ay nagkaboses din sa mata ng publiko. Mas nakikita natin siya ngayon bilang isang indibidwal na may sariling boses at paninindigan sa mga usaping pang-politikal at -lipunan. Mas nagiging makatao na siya ngayon sa pananaw ng marami. Kung saang kulay man o partido siya pumapanig ngayon ay sarili na niyang desisyon dahil may karapatan siyang mamili ng politikong papanigan niya at higit sa lahat, may karapatan din siyang magpahayag ng sarili niyang mga opinyon. Kung may makabulohan man o mga hindi sumasangayon sa kaniyang mga pinagsasabi, karapatan din nitong magpaliwanag o dumepensa para sa sarili. Wala namang pumipilit sa ating sumangayon sa lahat ng mga online posts niya. Suwerte na niya ito kung tinatangkilik ng mga masa ang personal blog niya. Huwag sana nating bastusin ang pagiging babae niya nang dahil lamang sa political affiliation niya. Karapatan din naman niyang mapamahal sa isang pangulong pinaniniwalaan niyang makakapagbigay ng pagbabago sa lipunan. Karapatan niya ito bilang botante at mamamayan ng isang demokratikong bansa. Kung ako, kapatid, kamaganak o kaibigan niya, tiyak na masasaktan din ako sa mga ibinabato sa kaniyang maaanghang na salita at edited posters sa social media. Mayroon ba siyang batas na inilalabag? May magsasampa ba sa kaniya ng libel? Totoo ba ang ipinaparatang mga mga kritiko niya na siya’y nababaliw nang dahil sa politika? Kung mayroon man o totoo ito, sarili na niyang diskresyon at pananagutan iyon.

Ayon sa teorya ng mga liberal na feminista sa librong Politics (2001) ni Andrew Heywood, ang lipunan at mundong politikal ay isang oportunidad at para sa mga kababaihan na makilahok sa pagpapaunlad ng lipunan. Maituturi itong plataporma upang maibaabot nila ang mga kanilang hinanaing upang maiangat ang estado ng mga kababaihan sa isang sistema kung patuloy na naghahari ang mga kalalakihan at gender stereotypes sa iba’t ibang aspeto ng gobyerno, media at kultura. Sa pananaw naman ng mga feministang radikal, ang politika at mismong istruktura ng mga estado sa daigdig ay ang siyang nagpapatunay na ang gobyerno ng bawat bansa ay idinisenyo upang panatilihin ang paghahari ng mga kalalakihan sa mga kababaihan na dapat buwagin ng mga radikal na feministang lumalaban sa para sa ganap na gender equality rights. Ika nga e, marami pa ring mga sexist na politikong humaharang sa mga karapatang pambabae hanggang ngayon.

kababaihan

Patunay na rin dito ang katotohanang walang ni iisang bansa sa mundo ang may 50-50 represenation sa kanilang kongreso o parlyamento. Maski ang usaping pagsasagawa ng mga gender quotas sa mga gobyerno ay madalas ineetsapwera sa usaping Gender Politics. Mahalagang isyu ito na dapat nating kumprontahin hanggang sa kasaluyuan dahil naniniwala ako sa isang kasabihan mula sa sanaysay ng radikal na feministang si Carol Hanisch na “The Personal is Political”. Naniniwala akong may halaga din ang kasabihang ito para sa mga kalalakihan dahil personal din ang pagpapahalaga ko sa aking mga babaeng mahal sa buhay, mapa asawa man o anak, nanay o kapatid, kamaganak o tiyahin. Nais kong silang mabigyan ng boses para sa lipunan at makilahok sa pagunlad nito dahil karapatan nila ito. Sa development studies, isa ring madalas tukuyin na dahilan sa pandaigdigang kahirapan ang gender inequality kung saan ang mga kababaihan sa maraming bansa o rehiyon sa mundo ay hindi nabibigyan ng mga sapat na oportunidad sa edukasyon, pangkabuhayan, serbisyo publiko at partisipasyon sa politika. Kailangan talaga natin ng mga pantay-pantay na mga oportunidad sa lipunan upang umunlad.

Ang karakter ni Harley Quinn ay isang simbulo ng babaeng inaapi ng patriyarka ng mga kalalakihan na patuloy na nagpapahirap sa mga mamamayan nating babae sa buong mundo dala ng umiiral na mentalidad ng machismo. Sa pagkakabaliw niya sa pag-ibig, napatahimik na lamang ito at hindi na gumagawa ng anumang hakbang upang hamunin ang status quo hannggang sa nagmumukhang isang obyekto ng katatawanan at kaaliwan ng mga kalalakihan. Huwag dapat hayaang lumaganap ang mga babaeng tulad ni Harley Quinn na sa buong mundo. Dapat silang mabigyan ng sapat na boses, lakas at poder upang labanan ang bulok na Sistema ng patriyarka. Kailangang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. The personal is political.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s