Ang Tuos sa Kalagitnaan ng Tradisyon at Modernisasyon

tuos

Hindi ko man napanood ang lahat ng pelikulang gusto kong panoorin sa Cinemalaya Film Festival ngayong taon, malaki ang aking pasasalamat na ang karamihan nito ay ipinalabas sa mga piling komersyal na sinehan sa bansa. Isa na dito ang pelikulang Tuos (2016) na tungkol sa isang katutubong tribo ng Panay Bukidnon na naninirahan sa mga bulubundiking bahagi ng Calinog, Iloilo at Tapaz, Capiz. Idinerehe ito ni Derick Cabrido gamit ang wikang Kinaray-a. Starring dito sina Nora Aunor (bilang Lola Pina-ilog), Barbie Forteza (bilang Dowokan) at Ronwaldo Martin (bilang Dapuan).

Pinanood ko ito nitong nakaraang linggo sa SM Megamall kasama sina Sir Lloyd at Sir Noel Bedia. Plano ko sanang panoorin ang pelikula magisa ngunit niyaya ako ni Sir Noel dahil sabik siyang makita ang pagganap ng kanyang matinee crush na si Ronwaldo Martin. Mabuti na lang at kasama ko sila dahil napakaluwag ng sinehan at ginabihan kami sa paguwi. Kakaunti lang talaga kasi ang nagkaka-interes manood ng commercial release ng isang indie film. Kaya pakiramdam ko, obligasyon din namin bilang mga Panayaonon ang manood at sumoporta sa anumang pelikula na tumatalakay sa kultura ng Kanlurang Bisayas lalo na kung ito’y tungkol sa mga katutubo nating mamamayan.

Ang mga Panay Bukidnon, na madalas ding tawaging mundo, ay isang tribong Indo-Malayo na naninirahan sa mga bukirin ng Panay kung saan sila nanatili ng maraming siglo na walang anumang impluwensya mula sa mga dayuhang mananakop o mangangalakal. May sarili silang uri ng pamumuhay at namumukod-tanging tradisyon sa pagdamit. Bilang pananampalataya, sinasambahan nila ang mga espiritong nakaugat sa kalikaysan. Sa tribo ding ito nanggaling ang dakilang epiko ng Panay na Hinilawod, isang halimbawa ng oral folklore sa bansa na kinakailangang idaan sa isang ritwal na pagkanta ng ilang araw upang maipabahagi ang buong kuwento. Ngunit dahil sa kasalukuyang paglaganap ng modernisasyon at globalisasyon, nanganganib nang maglaho at mabaon sa limot ang kanilang kinaugaliang kultura.

Una akong makarinig tungkol sa tribo mula sa aking ama na sa Dumalag, Capiz ipinanganak at kung saan maraming miyembro ng tribo ang naninirahan at naghahanap-buhay. Sa kabundukan daw naninirahan ang mga ito, kadalasa’y hindi Kristyano at nakaugalian ang simpleng pamumuhay sa piling ng kalikasan. Nang makatapak na ako ng kolehiyo sa Unibersidad ng San Agustin sa Lungsod Iloilo, nakilala ko ang isang miyembro ng tribo mula Tapaz, Capiz na nagngangalang Manilyn Glemer o Tata kung tawagin. Naging kaklase ko siya sa minor subjek naming biyolohiya noong una kong semester sa nasabing pamantasan. Nalaman ko na lamang na miyembro siya ng tribong Panay Bukidnon at iskolar ng University of San Agustin Little Theater. Itinanghal ng teatro ang Tarangban na nakabase sa epikong Hinilawod mula 2008 hanggang 2010 ng magkapatid na direktor na sina Sir Eric at Edward Divinagracia. Dito ako unang namangha at natutong nagkainteres sa katutubong kultura at pamumuhay ng mga taga-Panay.

Malaki ang pagpapahalaga ng unibersidad sa mga sining, panitikan at kultura ng mga Panayanon kahit itinatag pa ito ng mga kastilang prayle. Bilang patnugot ng publikasyong pang-estudyante noon, madalas din naming ifeature ang teatro sa aming diyaryo at magasin. Pati nga si Tata ay ginawan ko ng artikulo sa The Augustinian Mirror upang isalarawan ang buhay ng mga katutubong miyembro ng ating lipunan. Sa katunayan, magkasabay pa kaming gumradweyt noong 2010. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang OFW sa Estados Unidos ngayon at malamang magiging mamamayan siya sa bansang iyon. Dito nagkaka-conflict ang tradisyon at modernidad. Marami sa mga kababayan nating katutubo ngayon ay napipilitang iwanan ang kanilang mga tribo upang mamuhay sa mga lungsod, bayan o ibang bansa upang magtrabaho. Isa itong isyung kritikal sa pagpapahalaga ng ating mga katutubong kultura sa bansa. Kaya ang laki ng ikinatuwa ko nang malaman kong may isang pelikulang tumatalakay sa isyung ito.

Ang tuos ay isang kasunduan ng mga nakakatanda sa tribo at mga espirito ng kalikasan upang mapanatili ang katahimikan sa pagitan ng mga Panay Bukidnon at mga espirito. Sa bawat henerasyong lumilipas, pumipili ang isang tribo ng batang babae na habang buhay mananatiling birhen at dalaga (na binukot kung tawagin) dahil magsisilbi itong alay sa mga espirito at pang-balanse ng kapayapaan. Ipinapasa ang mga responsibilidad ng isang binukot mula matanda sa batang napili ng tribo bilang kapalit nito. Habang buhay itong magdadasal at magbibigay pugay sa mga espirito alay sa kalikasan at ng tribo. Kasama na rin dito ang pagdadalubhasa sa pagkanta ng epikong Hinilawod bilang ritwal ng tribo. Ang tradisyong ito’y ilang henerasyon nang isinasabuhay ng mga Panay Bukidnon bilang mahalagang bahagi ng kanilang pamumuhay.

Sa pelikula, maraming tukso na pumapalibot sa pagiging binukot ni Dowokan, ang batang hinahanda ng kanyang Lola Pina-ilog upang maging kapalit. Isa na dito ang lalakeng si Dapuan na humihiling ng kanyang kamay sa pagpapakasal. Dahil dito, madalas makipagsagutan ang mag-lola dahil sa pagtanggi ng dalaga sa pagtahak ng daan sa pagiging isang ganap na prinsesang binukot. Tensyonado ang maraming eksena sa pagitan ng dalawa at hirap din si Dowokan sa pagdesisyon kung ano ang dapat niyang gawin. Maayos ang takbo ng lahat subalit biglang umiba ang ihip ng hangin nang magkaroon ng isang matinding paglabag sa tradisyon ng tuos na dapat panagutuan ng mag-lola.

Kapani-paniwala ang mga tagpo sa pelikula mula sa pagdadamit, mga kinaugalian ng mga karakter, mga ritwal ng tribo sa pagkanta at pagsayaw maliban sa iilang dialogo na halatang Tagalog pa rin ang pagbigkas ng mga gumanap. Maganda ang mga tanawin sa mga eksena dahil sa isang bulubunduking komunidad ng Antique ito idinerehe. Nagmistulang awtentikong binukot si Nora Aunor at mahusay magdala sa kaniyang karakter. Sina Forteza at Martin naman ay magaling din magdala ngunit halatang mga hindi pa gaanong sanay gumamit ng ibang wikang Filipino sa pagsasalita. Masasabi ding natural ang daloy ng kuwento dahil wala masyadong thrill factor na kadalasang natutunghayan natin sa mga pelikulang komersyal at ala-Hollywood. Natural dahil katutubong musika ang ginagamit dito at sa pagkanta at animasyon idinadaan ang pag-eksplika ng iilang mga sipi mula Hinilawod.

tuos7

Gaano ba tayo kadalas nakakapanood ng pelikulang tumatalakay sa mga katutubong mamamayan ng Filipinas at ang kanilang mga kinaugalian? Binibigyan ba nating ng tamang pansin ang mga isyung sumusubok sa nila at mga panganib na kinakaharap ng kanilang tradisyon? Isinasalarawan ng Tuos (2016) ang kalagayan ng maraming katutubong tribo sa bansa ngayon ng dahil sa pagunlad. Ang modernisasyon at globalisasyon ay isang realidad na hindi natin maaaring isantabi lang dahil malaki ang mga nagiging epekto nito sa ating mga katutubong tribo na walang ibang kahilingan kundi maipreserba lamang ang kanilang kinaugaliang kultura at pamumuhay. Saludo ako sa direktor at iba pang mga indibidwal na nasa likod ng produksyong ito. Hindi nakapagtataka kung bakit limang parangal ang napanalunan nito sa Cinemalaya Awards Night noong Augosto kabilang ang audience choice at best sound ng kategoryang full-length film. Sana nga hindi ito ang huling pelikulang tatalakay sa mga pagsubok na pinagdadaanan ng mga Panay Bukidnon at iba pang mga katutubo sa bansa ngayon.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s