Ang ‘Pamilya Ordinaryo’ at Buhay Kalye sa Maynila

ordinaryo6

Kamakailan ay pinanood ko sa SM City Manila ang commercial release ng Pamilya Ordinaryo (2016) na idinerehe ni Eduardo Roy Jr. Usap-usapan ito ngayon ng maraming direktor at kritiko sa industriya ng pamimilikula sa bansa. Kakaiba kasi ang pagkakagawa ng pelikula, mula sa makabagong sinematograpiya nito hanggang husay sa pagaarte ng mga gumanap dito. Maganda din ang naging feedback mula sa mga manonood kung kaya hindi kaduda-duda kung bakit mainit ang mga papuring natatanggap nito.

Sa totoo lang, hindi ko pinansin ang pelikula noong una itong inilunsad ngunit nakumbinse akong panoorin ito matapos nitong tumanggap ng pinakamaraming parangal sa Cinemalaya Indie Film Festival ngayong taon kung saan ito nagwagi ng Best Film, Best Direction, Best Actress, Best Editing at Netpac (Network for Promotion of Asian Cinema) Prize. Noong isang araw lang ay muling namayagpag ang pelikula sa ika-73 Venice International Film Festival sa Italya kung saan nasungkit nito ang BNL (Bank National Labor) People’s Choice Award matapos makamit ang 70.3% ng mga boto na mula sa mga manonood doon na ikinagulat ng direktor ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer.

ordinaryo5

Ang kuwento ay tungkol sa dalawang menor de edad na magkasintahang sina Aries (ganap ni Ronwaldo Martin) at Jane (ganap ni Hasmine Killip) na dumidiskarte sa mga lansangan ng Quiapo upang buhayin ang kanilang bagong silang na sanggol na wala pang nagiisang buwan sa mundo. Sira ang kanilang kinabukasan dahil parehas silang walang pinag-aralan at sumisinghot ng rugby upang makalipas ng gutom. Nakatira sila sa tabi ng kalye sa labas ng isang  lumang gusali. Namumuhay sila sa paglalatag ng mga kumot sa kariton at duyan para sa baby nilang si Arjan. Upang mabuhay, sila’y dumidiskarte sa pamamagitan ng pagnanakaw ng mga selfown at wallet. Agad nilang ibinebenta ang mga nakaw na gadget sa mga dealer upang kumita ng perang pangtawid sa mga pangangailangan ng kanilang anak. Ngunit nabulabog ang kanilang mundo nang ikidnap ang kanilang sanggol ng isang baklang nagngangalang Ertha. Halos ay lahat ay gawin at halughugin nila mahagilap lang ang nawawalang sanggol. Hindi pangkaraniwan ang pagtatapos ang pagtatapos ng pelikula dahil sa pagiging “open ended” nito na sumisimbulo din sa pagkadesperado ng marami sa lipunan.

Kung pagsasalarawan at simbolismo ang paguusapan, mayaman ang pelikula sa mga isyung panlipunan na tinatalakay. Sa pamagat pa lamang ng pelikula ay malalaman na nating puno ito ng ironiya. Sa mga tanggapan ng gobyerno kung saan humingi ng tulong sina Jane at Aries ay palagi silang nakakatanggap ng panlalait o masasakit na komento at pinagpapasa-pasahan ng mga opisyales. Pati mga pribadong sektor ay wala ring maibigay na tulong bukod sa maliit na donasyon o paggamit sa kanilang kuwentong buhay. Walang pakialam ang barangay kagawad sa hinanakit ng magkasintahan nang malamang sa kalye sila nakarita at nagpasyang iendorso na lang sila sa DSWD na agad nilang inayawan dahil parang kulungan daw ang buhay doon. Mas maiinis ka sa asal ng isang pulis sa Police Station dahil imbis na tulungan o payuhan si Jane ay ginawa pa niya itong katatawanan at pinahubad upang idemonsrate kung paano siya magpasuso ng bata sa mura niyang edad. Kahit ina ni Jane (ganap ni Maria Isabel Lopez) na nalulong sa droga ay wala ring maibigay na tulong sa kanila at nagpayong kalimutan na lamang ang sanggol dahil tiyak na ibinenta na iyon sa mayamang pamilya na makakapagbigay dito ng magandang kinabukasan na hindi nila kayang ibigay. Tinatalakay dito ang mga isyu ng kahirapan, kalusugang sekswal, droga, krimen, kakulangan sa reproductive health awareness, kapalpakan ng hustisya at mga sebisyo sosyal, mga batang lansangan at sinayang na yamang tao sa bansa.

ordinaryo7

Bakit hindi sila kayang tulungan ng mga instutusyong nakaantas na tumulong sa mga katulad kanila? Ganito kasi ang buhay ng mga ordinaryong Filipino ngayon. Pinapabayaan. Mayaman lang ang binibigyan ng tamang pansin. Bakit nga naman hindi ganito ang imahe ng karaniwang Filipinong isinasalarawan sa ating media – ang pamumuhay na palaging agrabyado? Kung makatotohanan lang tayo sa ating lipunan, pinakamarami naman talaga ang populasyon ng mga mahihiriap sa ating bansa kung ikukumpara sa mga mayayaman na nasa minorya lang. Ngunit sino ba ang tunay na mayorya at may kapangyarihan sa ating bansa? Kanino napupunta ang hustisya?

Kahanga-hanga ang pagsasabuhay ng mga gumanap sa dalawang pangunahing karakter ng kwento dahil sa mga emosyong ipinapahiwating nila sa bawat eksena. Kapansin-pansin kasing sa mga mukha nila kadalasang nakatutok ang kamera upang maipalabas ang tunay na saloobin ng mga karakter. Dito pinatunayan ng dalawang batang gumaganap na kaya nilang makipagtunggali sa mga beteranong aktor at aktres sa industriya. Hindi pang-karaniwan ang pagtalakay nila sa kuwento. Bihira lang kasi tayo nakakapanood ng pelikulang sumasalarawan sa personal na buhay at adhikain ng mga taong lansangan.

Sa husay ng pagkonsepto nito, nagkaroon tuloy ng nostalgia at pagnanasa ang maraming manoood. Nostalgia mula sa kapanahunan nina Ishmael Bernal at Lino Brocka dahil sa mga de-kalidad na mga pelikula noon na umani ng pagkilala mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Pagnanasa dahil sa paanaw na ito ang tamang direksyon na dapat tahakin nga mga pelikulang Filipino ngayon, mga gawang sining na hindi lalayo sa mga realidad ng ating lipunan. Mismong sa puso ng Maynila ang kaganapan ng kwento kung kaya ordinaryo din ang tanawin sa mga eksena para sa mga Filipinong manggagawa na araw-araw nagko-commute sa Maynila gamit ang bus, jeep o LRT. Hindi umasa ang direktor sa paglagay ng maraming sound effects. Sa dami ng mga kabalastugang nangyayari sa kuwento ay ipinalabas ang iilang mga eksena sa pamamagitan ng CCTV surveillance camera.

Pinatunayan ng Pamilya Ordinaryo na hindi kailangan ng malaking pera o ang pinakaabanseng teknolohiya upang makapaglikha ng obramaestrang pelikula. Paalala din ito sa atin na dapat tayong gumradweyt mula sa ng mga feel good na pelikula na wala namang kaugnayan sa tunay na buhay. Sigurado akong sa pagusbong ng napakaramng indie films sa bansa nitong mga nakaraang taon, marami sa mga Filipinong manonood ngayon ay natuto nang tumingin at humusga kung ano ang maganda at de-kalidad na pelikula.

Masasabi kong ground-breaking ang pelikula sa pagtalakay nito sa personal na buhay ng mga mga nasa laylayan ng ating lipunan na pinabayaan at hindi nabibigyan ng tamang pansin. Mga ordinaryong Filipinong bumubuo sa mayorya ng ating lipunan at mga pangunahing sumisimbulo sa kahirapan ng Filipinas. Ito ang initsapwerang antas ng lipunan na nais mabigyang boses ni Direk Ed kahit sa larangan ng pamimilikula man lang.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s