Buhay ng isang Pinay sa Denmark: Ang Pelikulang ‘Rosita’

rosita4

Kakaiba ang pelikulang Rosita (2015) na idinerehe ni Frederikke Aspöck dahil sa unang pagkakataon, nakapanood ako ng isang kuwentong may tema tungkol sa diasporang kababaihan ng Filipinas galing Europa na isinalarawan mula sa perspektibo ng mga Eskandinabo. Kasama ko ang kaibigan kong si Ronald noong araw na iyon at iba sanang pelikula ang dapat naming papanoorin. Ngunit dahil naubusan kami ng ticket at hindi nakarating si Sir Noel Bedia sa Cultural Center of the Philippines, napagpasyahan naming subukan ang pelikulang ito na sa loob ng Tanghalang Nicanor Abelardo (CCP Main Theater) ipinalabas. Laking gulat namin na dinaluhan din ito ni Mercedes Cabral at nagbigay ng pangunahing salita. Lumaki akong maraming napapanood na pelikula mula hilagang Europa dahil matagal akong nanirahan sa Alemanya subalit hindi ko talaga inakalaing makakapanood ako ng isang produksyong Europeo (Nordisk Film Production A/S) sa Indie Nation screening ng Cinemalaya Indie Film Festival 2016 na tumatalakay sa mga migranteng babae ng ating bansa at pagaasawa ng maraming Europeo sa mga Asyana.

Ang tagpo ng kuwento ay sa isang maliit na bayan sa bansang Denmark sa panahon ng tag-lamig. Si Mercedes Cabral ang gumaganap bilang pangunahing karakter na si Rosita – bata, maganda, maliit, mukhang inosente at kayumanggi – na sa unang entrada pa lang ay nagmumukhang eksotiko na kaagad sa paningin ng mga puting lalakeng nakikilala niya sa bansang iyon. Ang mag-amang sina Ulrik (ganap ni Jens Albinus) at Johannes (ganap ni Mikkel Boe Følsgaard) ang kukupkop sa kaniya at sa dalawang lalaking ito iikot ang kaniyang mundo sa bago niyang tahanan. Maganda ang pagtalakay ng pelikula sa isyung interkultural kung saan napabahagi din ang mga temang migrasyon at mail-order brides sa Europa. Magaling din ang pagsalarawan ng mga eksenang lambingan, hindi pagkakaunawaan, inggitan at pagtatakwil sa pagitan ng mga karakter kung saan naghahalo ang tatlong lenggwahe: Dansk, Ingles at Tagalog.

Talagang kapani-paniwala ang pagdala ni Cabral sa karakter niya mula sa pagdadamit hanggang sa kaniyang pagkilos at pananalita. Kung hindi mo siya nakilala sa mga nakaraang pelikula niya, aakalain mong isa siyang tunay na bagong salpa sa ibang bansa at nagkakandarapang makibagay sa mga tao at bagay-bagay sa kaniyang paligid tulad ng pagsasalita ng wikang Dansk at pagsakay sa bisikleta. Ang mga karanasan ni Rosita ay tipikal lamang sa napakaraming Filipina na pumapadpad ng Europa upang maging permanenteng kasintahan o asawa ng mga nakakatandang lalaki.

Si Ulrik naman ay isang matandang lalaki na matagal nang nabyuda sa asawa. Hindi siya nakakapagsalita ng Ingles kung kaya’t madalas siyang nagpapatulong sa anak niya upang magsalin ng mga kanyang nais ipahiwatig kay Rosita. Halatang nahihiya siya sa Filipina dahil malaki ang agwat ng kanilang edad at sa kakulangan kaniyang mag-Ingles. Bilang working class na Europeo na halatang hindi pa nakagbiyahe sa malayong lugar, wala rin siyang masyadong alam tungkol sa kulturang pinanggalingan at personal na buhay ng babaeng magiging kasintahan niya. Ang anak nitong si Johannes ay hindi masyadong komportable sa pagdating ni Rosita dahil halos kaedad niya lamang ito at halatang hindi rin ito sanay makipagugnayan sa isang babaeng dayuhan.

Huling huli sa mga pananalita ng iilang mga puting karakter ang pagtingin kay Rosita bilang “commodity” at hindi indibidwal kagaya na lamang ng paghalintulad ng isang kasama ni Johannes sa trabaho sa Filipina bilang “soy sauce” o toyo. May isang eksena naman kung saan patawang sinabihan si Ulrik ng kaibigan niyang nagdala kay Rosita sa Denmark na may nahagilap daw silang “exotic pussy from the tropics”. Ngunit sa kabila ng lahat, makatao pa rin ang pagtrato ng nina Ulrik at Johannes sa batang babae. Ang pagtagal ng Filipina sa kanilang tahanan ay siyang magiging pagsubok sa relasyon ng mag-ama at sanhi ng isang napakalaking krisis sa kanilang pamilya, mga kaanak at kaibigan.

Humanga ako hindi lamang sa pagarte ng mga gumanap, pati ang pagderehe at sinematograpiya nito ay mahusay rin ang pagkakagawa. Simple lang kung makipagusap ang mga karakter sa isa’t isa kahit tensyonado man ang iilang mga eksena. Binabalanse nito ang mga malalalim na ekspresyon sa mga mukha at kilos nila na madalas tinutukan ng kamera. Walang may nagsisigawan o nagmumurahan sa mga komprontasyon. Hindi melodramatiko kagaya ng maraming pelikulang Filipino. Kuhang kuha sa pag-execute ng mga lighting effects ang totoong diwa ng tag-lamig sa Europa. Napansin kong tipikal din ito sa mga pelikulang Eskandinabo. Simple lang ang takbo ng mga eksena ngunit malakas ang iniiwang impresyon sa mga manonood. Mapapaisip ka din talaga. Sa tindi ng interaksyon ng mga krakter at bilis ng mga pangyayari, halos hindi mo na mahuhulaan kung ano ang mangyayari sa katapusan ng kuwento. At hindi rin kagulat-gulat ang pagtatapos nito dahil nanatiling makatotoohanan ang mga huling eksena sa tunay na buhay.

Ang rosas nga naman ay isang mabangong buaklak na madalas gawing simbulo ng romansa, pag-ibig at kagandahang nakakatinik kapag hindi tayo maingat sa paghawak nito. Ito ang mensaheng pinapahiwatig ng karakter ni Rosita. Natutuwa ako dahil may mga ganitong klaseng pelikula na nagmula sa kolaborasyon ng dalawang malalayong bansa sa magkabilang panig ng mundo. Isinabuhay nito ang totoong diwa ng globalisyason sa larangan ng pamimilikula. Nakapag-relate ako dito dahil madalas ko itong makita sa Alemanya at Irlanda noon kung saan ako matagal nanirahan, mga Filipinang nagaasawa ng mga matatandang Europeo upang pagtakasan ang kahirapan sa ating bansa. Nalaman kong kamakailan lang ay sinungkit ng pelikula ang best director prize sa Moscow Film Festival ng Rusya. Mahusay talaga ang direktor at mga scriptwriter ng Rosita. Sana marami pang sumunod na ganitong klaseng produksyon mula Kanluran at maipalabas dito nang sa ganon ay may matutunan din tayo tungkol sa kapalaran ng mga babaeng nagsasapalaran sa Europa at maging sa paggawa ng mga ganitong klaseng de-kalidad na pelikula.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s