Si ‘Mercury’ ay Akin Lang: Isang Film Review

mercury7

Sa unahang pagkakataon, nakapagdalo ako sa Cinemalaya Indie Film Festival noong nakaraang buwan kasama sina Sir Noel Bedia, Ronald at ang kaibigan niyang si Paolo sa Cultural Center of the Philippines. At ang pinanood naming pelikula sa Tanghalang Aurelio Tolentino (CCP Little Theater) ay ang Mercury Is Mine (2016), isang komedya ng Kamaru Productions na idinerehe ng premyadong direktor na si Jason Paul Laxamana. Starring dito sina Pokwang na gumanap bilang Miss Carmen at si Bret Jackson naman bilang Mercury.

Makabago para sa amin ang setting ng pelikula dahil sa Pampanga ang kaganapan nito. Kakaiba dahil bihira lang tayo nakakapanood ng pelikulang nagaganap labas ng Metro Manila. Makatotohanan din ito sa multilingwal na realidad ng Filipinas dahil isinagawa ang script sa tatlong wika: Ingles, Tagalog at Kapampangan. Maganda ang pagkakapresenta ng mga tanawin sa lalawigan at ang makulay na kultura nito kagaya ng pagluluto ng betute tugak (buteteng palaka) at adobong kamaru (kuliglig). Kilala ang direktor bilang isa sa mga nangungunang tagapagsulong ng mga pelikulang Kapampangan ngayon. Sa aking pananaw, dapat lang na suportahan natin ang mga rehiyunal na pelikula upang maipaangat ito sa antas ng mga pelikulang mainstream at sana’y maipalagalap din sa ibang bansa.

Kahit tubong Panay kami at dapat Tuos (2016) talaga ang aming sinuportahan sa main competition – full length film category kasi mula Iloilo ito at sa wikang Kinaray-a pa isinagawa ang pelikula, naisipan din naming huwag maging regionalistic at nanguryoso sa mga pelikula ng ibang rehiyon for a change. Nangibabaw nga ang aming pagiging maka-Filipino sa desisyong ito at ikinatuwa din ni Sir Noel dahil na nakatagpo siya ng panibagong teenage celebrity crush na si Bret Jackson. Ako naman, naging curious sa pagaarte ng komedyanteng si Pokwang sa larangan ng indie films at hindi niya ako binigo. Maganda ang pagdala niya kay Carmen. Bumagay kasi ang kanyang pagiging OA sa role ng kaniyang karakter sa pananalita, pagdadamit at pagpapakulay ng buhok (nagpablonde siya sa bandang kalagitnaan).

Nakasentro ang kuwento sa loob isang karinderia sa tabi ng kalye kaharap ang Mt. Arayat na madalas daanan ng mga turista. Dito unang magtatagpo ang dalawang pangunahing karakter. Magtatrabaho si Mercury kina Miss Carmen bilang waiter at alalay sa pagluluto habang wala itong matuluyan. At sa pagtakbo ng pelikula, unti-unting malalantad ang  katotohanan sa mga pagkatao ng dalawang karakter.  Namumukodtangi ang iilang mga linya dito dahil sa mga sinisimbulo nito. Sa una’y aakalain nating mababaw lang ang mga pinagusapan at komentong binibitiwan ng mga karakter ngunit puno ito ng mga ironiya, satire at malalalim na kahulugan na maiaangkop sa mga realidad ng ating lipunan. Isa dito ang eksenang paghuhugas-pinggan ni Carmen sa likod ng karinderia nang tanungin siya ni Mercury kung isusumbong siya sa mga pulis matapos niyang mapagalamang pinatay nito ang sariling ama. Sagot niya sa batang lalaki, hindi, kasi “There is no justice in this world (walang hustisya sa mundong ito).”

Naisalarawan din ang mga pang-kolonyal na kaugalian ng nakararaming Filipino tungo sa  sarili at sa mga dayuhan lalo na kung ito’y puti. Halata ang pagkakarambola ng mga tao sa palengke at sa bus terminal kay Mercury dahil sa kulay ng kanyang balat. At over naman sa pagiging defensive itong si Carmen upang solohin ang binatilyo. May eksena kung saan tinanong ng binatilyo ang tindera kung bakit niya kailangang maglagay ng whitening foundation sa kanyang mukha. Sagot niya, upang gumanda daw ang kaniyang kutis. Agad siyang pinagtawanan ng bata at sinabihang wala namang mali sa kulay nga kanyang balat. Sa bandang huli, pinakiusapan ni Carmen si Mercury na makipagtalik sa bunso niyang anak na babae upang ito’y mabuntis at malahian ng dugong banyaga.

Sa huli, napagalaman naming dalawa ang pinanalunang premyo ng pelikula noong gabi ng parangal. Mismong sina Direk Jason Paul Laxamana, Pokwang at Bret Jackson ang tumanggap ng mga tropeyo para sa mga kategoryang Best Screenplay at Special Jury Prize. Unang pelikula pa lamang ito ni Laxamana na napapanood ko at napahanga ako sa kaniyang pagdederehe at pagkonsepto ng istorya. Hanga din ako sa kanyang pagiisip ng pamagat ng pelikula. Ang mercury o asoge ay isang elementong kemikal na kulay pilak na posibleng makakalason sa isang tao kapag hindi ginamit ng tama. Isa rin itong planeta sa ating solar system na hindi pa nararating ng tao. Kung simbolismo lang ang paguusapan, isa ring henyo si Laxamana at talagang nakakalason din ang mga katulad ni Mercury para sa atin kung aabusuhin. Sabik na akong makapanood ng mga susunod niyang pelikula at makatikim ng mga pagkaing Kapampangan kagaya ng betute tugak at adobong kamaru na sana nama’y walang halong mercury!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s