Ang Pagmamahal sa isang Wika

filipino2

Paano ba magmahal ng isang wika? Mapa-katutubo man o dayuhan, rehiyunal o nasyunal? Hindi ba sapat ang pagkakaroon ng Pambansang Wika? Ang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino ngayong Buwan ng Wika ay “Filipino: Wika ng Karunungan”. Nais nitong bigyan ng malawakang pansin ang pagtaguyod ng kilusang ‘Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino’ ng mga guro, manunulat at akademiko sa buong bansa. Bilang wika ng karunungan, binibigyan ng pantay na pagpapahalaga ang ating wikang pambansa sa antas ng mga pandaigdigang wika kagaya ng Ingles, Mandarin, Ruso, Pranses, Espanyol at Arabo na kasalukuyang nagsisilbi bilang mga opisyal na wika ng United Nations o Aleman, Hapones, Italyano, Hindi at Farsi na malaki ang mga naiambang sa pandaigdigang literatura at kamulatang kultural. Ngunit paano ba naaabot ng isang wika ang ganitong antas ng pagkakakilala? Ano ang nais makamit ng kilusang intelektwalisasyon? At saan ba tayo dapat magsimula?

Layunin ng programa na palakasin ang Filipino sa mga diskursong intelektwal sa mga tanggapan ng pamahalaan, sa mga institutsyong akademiko, sa larangan ng media, sa industriya ng paglalathala at sa araw-araw nating pangangalakal. Naniniwala ako na ang pagunlad ng isang wika ay naguumpisa sa pagiisip at kaugalian ng mga taong nagmamayari nito. Tungkulin natin bilang mga Filipino ang magambag at tumulong sa pagpapalago ng ating pambansang wika. Paano nga naman maguunlad ang isang wika kung ang mismong mga nagmamayari nito ay iniiwasan at itinatakawil ito? Sentido comun na lang ang magsasabing kathang isip lang ang pananaw na may mga wikang mas nangingibabaw o mas mababa ang antas sa lipunan kaysa sa iba. Lahat ng mga wika ay pantay-pantay, may angking kagandahan at kahalagahan sa mga kulturang kanilang pinangangatawan. Lahat tayo ay maaaring makilahok sa pagpapaunlad ng wikang Filipino kahit sa simpleng pamamaraan lang katulad ng:

 

  • Pagpapayaman sa pambansang wika gamit ang mayamang bokabularyo ng mahigit 170 na mga katutubo o rehiyunal na wika sa buong kapuloan at mga dayuhang wika na malaki ang impluwensiya sa mga wikang Filipino kagaya ng Ingles, Espanyol, Malayo, Intsik, Sanskrit at Arabo: Napapatupad ang prosesong ito sa ating interaksyon sa mga ibang grupo etno-linggwistiko habang tayo’y nagbabakasyon sa ibang rehiyon o sa pakikipagkaibigan sa mga dayo mula probinsiya at ibang bansa sa Ka-Maynilaan.

 

  • Pagpapalawak ng paggamit ng Filipino upang ito’y maiangat bilang isang pandaigdigang wika dahil mahigit 100 milyon katao ang gumagamit nito sa Filipinas at maging sa ibang panig ng mundo: Ito ang pangunahing wika ng ating mga migranteng manggagawa at mga kababayang naging mamamayan ng ibang bansa na maaaring magturo ng Filipino sa mga dayuhang nais matuto.

 

  • Pagsuporta sa ating mga pantikian, musika at pelikula mula Batanes hanggang Jolo at ang pagtuturo nito sa ating mga kabataan sa paaralan at sa sarili nating bahay upang maibalik ang dangal ng ating mga kababayan sa sarili nilang wika at kultura.

 

  • Paggamit ng Filipino sa pagte-text sa mobile phone, komunikasyon sa internet, mga opisyal na liham at sa mga pampublikong pahibalo.

 

Mayroong punto sa ating buhay kung kalian tayo nagkakaroon ng kamulatan sa ating pagkatao. Halos lahat tayo ay naging biktima ng pagiisip kolonyal. Hindi ito nakakagulat dahil ang naging sistema ng ating mga pampublikong paaralan ay ihinubog sa modelo ng sistemang Amerikano kung saan Ingles ang “medium of instruction”. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang karamihan sa ating mga politiko, doktor, abogado at iba pang mga propesyunal ay dalubhasa sa wikang Ingles.  Magandang bagay din na ang karamihan sa mga Filipino ay sanay sa pagsalita, pagbasa at pagsulat ng Ingles dahil ito ang naging pangunahing wika ng pandaigdigang kalakalan at globalisasyon. Ito rin ang naging wika ng kasalukuyang “international system” (United Nations, World Bank, International Monetary Fund, etc.) dahil sa malawakang pananakop ng British Empire (halos 1/4 ng daigdig) at American cultural imperialism (Hollywood, Pop Music, overseas military bases, mga fast food chain at soft drinks, etc.) pagpagtak ng ika-20 siglo. Maituturi itong ganap na “global lingua franca” dahil ginagamit ito bilang opisyal na wika sa mahigit 60 na bansa sa daigdig. Kadalasan sa mga nagtatapos ng kolehiyo ay sumasabak sa mga call center, multinational firms, non-government organizations o international organizations kung saan Ingles ang sukatan ng talino at karunungan.

Ayon sa dati kong guro sa pamantasan na si Dr. Michael Cronin, may tinatawag na “world perspectives theory” sa linggwistika kung saan ang bawat tao’y mayroong sariling perspektibo ng pagtanaw sa mundo batay sa umiiral na wika sa kaniyang utak. Kung ang ginagamit niyang wika sa pagiisip ay Aleman, natural lang na parang Aleman din ang sarili nitong pananaw sa buong mundo. Sumasama din kasi sa wika ang buong kultura at sibilisasyon ng wikang ginagamit natin sa pananalita, pagsusulat at pagiisip. Lahat ng indibidwal o kultura ay may sariling pananaw sa mundo mapa-Mandarin man o Arabo ang ginagamit sa pagiisip. Napakaganda mang isipin na lahat ng Filipino ay may maka-Filipinong pananaw sa mundo ngunit hindi ito makatotohanan. Dahil ang karamihan sa atin ay sobrang dalubhasa sa Ingles, maraming nagkakaroon ng “identity crisis” at nagiging parang Amerikano na kung makapagisip at magsalita na tila isinasantabi na lamang ang ating kultura at mga kinaugalian.

Hindi natin dapat talikuran ang Ingles dahil naging bahagi din ito ng ating makulay na kasaysayan. Nagiging masama lang naman ang dominansiya ng isang wika kapag natatapakan na nito ang dangal at karapatan ng ibang wika. Nagiging masama ito sa oras na ito’y gamitin bilang kasangkapan ng imperyalismo. At ang nakakabahala sa lahat, mahigit kumulang na 6, 500 na lamang ang mga natitirang wika sa daigdig ayon kay Cronin dahil marami na ang naglaho sa ngalan ng pananakop at modernisasyon. Halos lingo-linggo daw ay may isang wikang namamatay ng dahil sa urbanisasyon at globalisasyon. Kaagad akong napaisip na sa dami ng mga katutubong wika sa Filipinas, tiyak na marami rin ang manganganib dahil sa kakulangan ng atensyon sa pagpapalago ng mga ito. Pati na rin ang pambansang wika natin ay kadalasang hindi nabibigyan ng tamang pagpapahalaga! Bilang mga Filipino, kailangan natin itong payamanin, tangkilikin at madalas gamitin sa mga diskursong intelekwtal. Bilang miyembro ng diyaspora mula Kanlurang Bisayas, dapat akong maghikayatin ng aking mga ka-rehiyon na payamanin ang Filipino gamit ang mga wikang Hiligaynon, Kinaray-a at Akeanon. Manghikayat sa mga kaibigan kong ingglisero’t ingglisera na tumangkilik sa wikang Filipino.

Dahil sa buhay kong palipat-lipat ng tirahan, ilang beses na akong nagpalit ng “world view perspective” mula Ingles at Griyego, sa Tagalog, sa Aleman, tapos sa Hiligaynon. Minsan din akong nakapagaral mag-Pranses, Espanyol at Kinaray-a. Pati ang aking Ingles ay ilang beses ring nagpalit ng perspektibo sa mundo mula Philippine English, Hiberno-English ng Irlanda at hanggang sa Singlish ng Singapore. Base sa aking karanasan, hindi naging madali ang pag-adjust sa iba’t ibang wika at ang pagbubuo ng isang post-kolonyal na kamulatan. Naapektohan din ang aking kakayahang maging dalubhasa sa iisang wika lang. Pakiramdam ko, palagi akong kinakapos sa bokabularyo sa kahit anong wikang gagamitin ko. Ngunit hindi ito sapat na dahilan upang maging hadlang dahil ang karamihan sa mga Filipino ay may naturang talento na maging  “multilingual” kagaya ng pambansang bayani nating si Dr. Jose Rizal na naging dalubhasa sa mahigit 20 na banyagang wika. Huwag nating maliitin ang sarili nating kakayahan bilang mga Filipino. Kung si Rizal nga na nagkaroon ng mga gramatikal na pagkakamali sa mga nobela niyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo gamit ang wikang Espanyol, sino ba tayo para maghusga kung sino ang perpekto at hindi?

filipino1

Hindi magiging madali o perpekto ang daan patungo sa isang makabansang polisiya tungkol sa wika. Sa ngayon, marami pang mga isyu, pagsubok at pagdududang kakaharapin ang Komisyon sa Wikang Filipino at mga programang ipinapatupad nito:

 

  • Ang maka-Tagalog na basehan ng wikang Filipino: napapasailalim sa wikang Tagalog ang mga rehiyunal na wikang nagpapayaman nito at napapabayaan ang mga maliliit na katutubong wika na may hindi hihigit sa 1 milyon na poplasyong gumagamit ng mga ito.

 

  • Ang mga mamamayan ng “Imperial Manila” at iilang mga malalaking lungsod lamang ang magbebenipisyo dito dahil limitado ang kakayahan na mga tauhan, kagamitan at imprastruktura ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng mga proyekto at polisiya ng Komisyon.

 

  • Ang posibleng pagetsapwera sa wikang Ingles na nagsisilbing isa sa mga opisyal nating wika sa bansa at ang pagtalikod sa realidad na ito ay wika ng globalisasyon.

 

  • Ang kakulangan sa “bilingual teaching approach” ng ating sistema sa edukasyon na ang layunin ay maging dalubhasa ang lahat ng Filipino sa dalawang opisyal na wika ng Filipinas; hindi pa ito nakakamit ng karamihan sa atin (mapa-estudyante o guro man); ang ganap na “bilingual proficiency” sa Filipino at Ingles ay isang malaking kapalpakan dahil sa mga pagkukulang ng ating programa sa pagtuturo.

 

Bukod sa polisiya at edukasyon, mahalagang bagay din ang sariling perspektibo sa paggamit ng wika. Sa aking obserbasyon, kadalasan sa mga Filipino ay maka-Filipino lang sa pananalita ngunit kulang na pagdating sa pagbabasa at pagsusulat nito. Ang iba naman na sa Filipino nadalubhasa ay mabilis magakusa sa mga maka-Ingles na burgis, imperyalista at may pagiisp kolonyal. Ang mga maka-Ingles naman ay madalas maghusgang radikal, makikitid ang utak at masyadong “nativist” umano ang mga eksklusibong gumagamit ng Filipino. Hindi kaya’t ginagawang paghuhugas kamay ang mga argumentong ito dahil hindi nila nakamit ang “bilingual fluency level” sa dalawang opisyal na wika? Huwag na tayong mangatwiran o magturuan ng kamay dahil dalawa naman talaga ang ating opisyal na wika, at isa na dito ang ating pambansang wika na dapat patibayin, ipagtanggol at ipagmalaki sa lahat ng oras. Dito mismo nagsisimula ang ating post-kolonyal na kamulatan. Sabay-sabay po nating isulong ang Filipino bilang wika ng karunungan at gabay sa ating ikauunlad.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s