Ang Mass Media tungo sa Mapagpalayang Edukasyon

batang90s

Kabilang ka ba sa henerasyon ng mga kabataang lumaki noong dekada nobenta? Ang panahon noong ang mga bata’y malayang nakakapaglaro sa mga pampublikong plaza at sagana sa preskong hangin? Bata ka bang lumaki sa mga larong patintero, ice-water, Chinese garter, tagu-taguan at tumbang preso? Kung ika’y napapabilang sa henerasyong ito, ituri mong maswerte ang iyong sarili dahil isa na lamang itong matamis na alaalang hindi na natin maibabalik ngayon.

Bagamat nakaka-miss ang dekada ‘90, ito ang mga kapanahunang hindi na natin maipapabahagi sa kasalukuyang henerasyon. Kung noon, ang mga bata’y aktibo at malayang nakakapagtuklas sa kanilang kapaligiran, mas nalalapit sa kalikasan at nakakatagpo ng kapwa nila bata sa kalsada, ngayon naman, ang karamihan sa kanila’y nalululong sa mga makabagong teknolohiya kagaya ng mga application games sa tablet o smart phone at online games katulad ng dota o counterstrike sa mga internet café. Halos buong araw silang nakaupo sa harap ng flat screen at naeepxose sa nakasisirang radiation nito. Bukod pa dito, ano bang aral ang napupulot ng mga kabataan sa kanilang kapaligiran at media ngayon?

Hindi ko talaga alam kung dapat ba akong matuwa para sa aking henerasyon na lumaki sa makulay na dekadang puno ng mga programang pang-telebisyon na napagpulutan ng magagandang aral tungkol sa mga agham, kalikasan, matematika, musika, panitikan at kasaysayan ng Pilipinas o sadyang mga magagaling lang at may puso para sa kabataan ang mga produser ng mga malalaking TV network noon. Wala na kasing mga ganitong klaseng programang pinapalabas sa media natin ngayon. Kawawa naman ang mga batang tatanda na hindi man lang makakaranas nito. Malaki ang naibahagi ng mga palabas noon sa telebisyon sa aking malikhaing pagiisip bilang Filipino at hilig sa yamang kaalaman ng Filipinas, mga programang tulad ng Hiraya Manawari, Bayani, Sineskwela, Wansapanataym, at Math Tinik.

abscbnlogo

Nakakataba rin sa puso kung iisipin na ang wikang ginamit sa mga programang pambata noon ay ang wikang pambansa. Lahat ito ay mga programang isinulong ng dating Kagawaran ng Edukasyon, Kalinangan at Palakasan na mas kinilala noon bilang DECS o Department of Education, Culture and Sports kasama ang koopersyon ng ABS-CBN Foundation, Inc. Pati ang ibang mga pangunahing network noon ay aktibo rin sa pag-produce ng mga ganitong programa sa wikang Filipino. Malaki ang kaugnayan ng mass medya sa intelektwal na pormasyon ng mga kabataan at maraming mga mahahalagang bagay ang naibabahagi nito sa paghubog ng kanilang kapasidad bilang mga mamamayan ng bansa. Dito rin sila nagiging dalubhasa sa paggamit ng Filipino bilang intelektwal na wika at hindi lenggwaheng kalye o pang tabloid lang. Malakas rin ang impluwensiya nito sa pagtuturo ng mga magagandang asal at kinaugalian nating mga Filipino.

Sa panahon ngayon, iilan ba ang mga progamang pang-telebisyon o pang-radyo na inilalaan para sa edukasyon ng ating kabataan? May mga programa pa bang nageengganyo sa kanilang makilahok sa pagpapanatili ng ating kalikasan o pagtangkilik sa ating kasysayan at kultura? Pati siguro ang paghikayat sa kanilang magkainteres sa siyensiya o matematika, binabaliwala na ng mga malalaking network sa bansa at ng ating mga awtoridad sa gobyerno. Nakakabahala ito dahil sa panahon ng globalisasyon, paglago ng teknolohiya at pagpapalawak ng koneksyon sa internet, madaling napapasukan ang utak ng ating kabataan ng kung anu-anung mga banyagang bagay o basura na wala namang kinalaman sa kamulatan nila bilang mga Filipino. Naging mabagal din tayo sa pagtahak ng mga makabagong teknolohiya at uri ng komunikasyon upang maiangkop sa sarili nating kultura, mga katutubong wika at sistema ng edukasyon. At dahil dito, napapagiwanan tayo ng pandaigdigang kompesityon. Kung hindi man dayuhang telenobela o animation series, puro mga palaro o talk show ang madalas ipalabas sa mga programa ng telebisyon ngayon, mga programang puro tsismis ng mga artista at eskandalo ng mga politiko ang kadalasang inaatupag.

Sa pagkunsinte natin sa mga ganitong klaseng programa, hindi na natin iniintindi ang pangangailangan ng mga kabataan. Higit pa rito, napapalayo tayo mula sa ating mga tradisyon at pagkilala sa ating mga sarili. Nagdudulot lamang ito ng ‘cultural amnesia’ sa ating mga kabataan at ang mas masaklap pa dito, hinahayaan nating umusbong ang penomenang ‘anti-intellectualism’ o ‘smart-shaming’ sa ating bansa nang dahil sa kapabayaang ito. Nasaan sa kasalukuyang mass media natin ang pagsasalarawan kaugaliang pagmamano sa mga nakakatanda, pagaasikaso ng maayos sa bisita, paggamit ng sariling wika, pagpapahalaga sa ating kasaysayan, mga sining at panitikan? Halos wala na. Unti-unti na kasing nabubura ang mga ito sa ating sosyodad dahil sa kakulangan ng mga palabas na ikinonsepto para sa mga kabataan.

Mahalagang tandaan na may “agenda-setting function” na naiduduot ang mass media sa ating lipunan. Kaya dapat lang na ilagay sa wastong balanse ang mga programang ipinapalabas sa TV at radyo. Pati na rin ang mga network na pag-aari ng gobyerno ay dapat bigyan ng responsibilidad sa pagtalakay ng isyung ito dahil sa mga buwis ng taumbayan nanggagaling ang mga pondo para dito at hindi lahat ng bagay ay pwedeng iasa na lamang palagi sa pribadong sektor na ang tubo o profit ang kadalasang isinasauna. Bigyan din natin ng pagkakataong makibahagi ang mga ahensiyang napapasailalim sa Kagawaran ng Edukasyon at Pambansang Komisyon para sa Kutura at mga Sining kagaya ng Komisyon sa Wikang Filipino, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon sa pagsagawa ng mga polisiya tungo sa mass mediang maka-edukasyon.

Nasa kaalaman ng marami na hindi lahat ng batang Filipino ay nakakatanggap ng sapat na mga benepisyong pangkalusugan at pang-edukasyon mula sa gobyerno. At dahil 34.02% o 34 milyon ng ating populasyon ay binubuo ng mga may edad katorse pababa (base sa Hulyo 2015 na estatistika ng Philippine Statistics Authority), isa itong napakalaking pagsubok kung edukasyon lang ang paguusapan. Hindi lahat ng bata ay pormal na makakatapos ng paaralang elementarya o sekundarya at maraming hindi makakatapak ng kolehiyo. Aminado ang ating gobyerno na malaki ang kakulangan sa mga guro, silid-aralan at aklat sa dahilang palaging kinakapos ang ating pambansang pondo para sa edukasyon. At malaki rin ang isyu ng elitismo sa ating sistema ng edukasyon mapa-pribado man o publiko. Child-friendly pa ba ang ating mga plaza ngayon? Hindi na kailangang pagdebatihan kung saan napupunta ang ibinabayad nating buwis. Alam nating ang Filipinas ay isang hamak na bansang mahirap sa Ikatlong Daigdig at marami pa itong problemang kakaharapin sa pagunlad.

Mayroon tayong pananagutan sa susunod na henerasyon ng ating bansa dahil sila ang magiging mga tagapagmana ng ating lipunan. Sila ang ating kinabukasan. Masakit mang isipin na marami sa kanila ang muling mabibigo sa susunod na dekada dahil sa lagay ng kasalukuyang sistema ng edukasyon, malaki pa rin ang pag-asa kong pwede itong sugpoin ng isang maka-edukasyong mass media. Kahit sa ganitong simpleng paraan ng pagpapalagalap mga impormasyon at kaalaman para sa laylayan ay malaki na ang maitutulong ng mass media. Ang hilig sa pag-aaral ay hindi kailangang ilimit sa loob ng silid-aralan o aklatan lamang. Tungkulin natin ang maghanap ng mga alternatibong pamamaraan upang pausbongin ang yaman ng pagiisip at intelektwal na kapasidad ng ating mga kabataan. Kailangan natin ng isang mapagpalayang mass media para sa kabataang Filipino!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s